Thursday, 2 January 2014

Baler, Aurora Trip (Dec.26-28, 2013)

Ilang araw pa lang ang bakasyon pero naiinip na ako. Di ako sanay na walang ginagawa. Kaya naman kahit wala sa plano ay gumala ako. Pero kinalkula ko muna ang budget para sa ilang araw na bakasyon, at kung sa pagbabalik ay may pang Media Noche pa. Check!

Ito ang unang biyahe ko na wala na si M. Tuloy ang buhay!
Di ako makakuha ng pic mula Cabanatuan hanggang Pantabangan, Nueva Ecija.
Sa masikip na D'Liner ako nagsumiksik dahil paalis na ito. Kumusta naman ang long-legged legs ko? Masyado na akong gagabihin kung hihintayin ko ang aircon bus.
Maulan kaya kaunting gala sa paligid, kain at natulog na.

Good morning Baler!












In one of the souvenir shops.

Before 1979, Aurora was part of the province of Quezon. Aurora was, in fact, named after Aurora Aragon, the wife of Pres. Manuel L. Quezon, the president of the Philippine Commonwealth, after whom the mother province was named. Below is the house of Aurora Aragon.







The Baler Cathedral.

An old photo of the church.







The Museo de Baler.



Yan ang kabuuan ng maghapon kong paggala.


Dahil nakakapagod ang mahabang biyahe, sinigurado kong sa aircon bus ako makasakay
nung pauwi na para komportable. Kaya naman na-enjoy ko ng husto ang magandang tanawin.






Hanggang sa susunod, Baler!


Saturday, 28 December 2013

Kapalit

Dahil wala nang pag-asang ma-repair pa ang Acer laptop ko, namasyal na lang ako sa
Angeles City para mawala ang lungkot. Magkasunod ang pagkawala nila M.

Dahil maaga pa naman kaya...


naglakad lakad muna  ako sa Bayanihan Park na dating kilala sa pangalang Astro Park.


Parang hawig sa pamosong kalsada sa California ang dating.


Wala pang gaanong namamasyal.


Wala akong magawa kaya sige lang ang kuha.


Tingin ko maganda naman.


Trip trip lang kung baga.


Malinis ang parke. Naalagaang mabuti.


Napapaligiran ito ng mga bahay kalakal.


Ang sarap lumanghap ng hangin at magmuni-muni sa ilalim ng puno.


Naisip ko na palitan ang nawala.


 Isa pa uling kuha sa mala-UFO na silungan bago tumuloy sa SM Clark.




At dahil nawala na siya...




Kaya naman naghanap ako agad ng kapalit,
bilang regalo ko na din sa aking sarili


Manigong Bagong Taon sa lahat!






Monday, 23 December 2013

Bakasyon Na!

Uuwi nako...
sa bahay namin sa bukid...


na mabigat ang aking dibdib.


Ngunit gumaan na ito...


pagkakita ko sa mga tanawing kinasanayan ko...


sa puso ko alam kong dito talaga ako.


Nagpaalala din ang mga ito na...


na ang mudo ko ay ito, na di ko kayang iwanan ito.


Ilan lamang sila na nagpapa-alala...


na dito ako ay may puwang pa.


Ang aming bahay sa bukid...


minsan sa isang panahon ay ibinahagi niya ang kuwentong ito, dito mismo...


at nahiga sa parteng ito ng bahay ko.

Wednesday, 7 August 2013

a friend called JONATHAN YU

          
Friendship is the best relationship in the world. One can live isolated without a family, but never without a friend.

No matter how far we are but I have never seen a day without remembering you or cherishing the golden memories spent together.

If everyone had a friend like you, they would all be happy. I just want you to know how much I appreciate you and your friendship.

Thank you so much for being the kind of person you are.


Friday, 27 January 2012

Lumang Bahay

Tuwing nakakakita ako ng lumang bahay ay naaalala ko ang kinalakihan kong bahay, pati na sina laking (lolo) at baing (lola).




Ang mga nakakatakot na mga life size photos ng mga taong hindi ko naman kilala...
Ang mga tunog na langitngit ng makakapal na sahig at pintong tabla...
Ang mga kakaibang katre na may dalawang mukhang T-account sa magkabilang dulo na nagsisilbing sabitan ng kulambo...
Ang dulang na nagagamit lamang kapag kakain na...
Ang ang telebisyon na may apat na sakang na paa at de susi pa...
At ang napakaraming alaala ng aking limot nang kabataan...





Sayang dahil giniba na ang bahay na yon bago pa bumigay dahil sa malalaking baha na kanyang pinagdaanan sa tagal ng panahon. Nagkawatak-watak na ang iba't ibang bahagi na bahay, gaya ng pagkakahiwa-hiwalay din ng mga taong lumaki at nagkamalay sa bahay na yon upang magkaroon ng sariling pamumuhay.

Friday, 6 January 2012

Short Trips

Biglaan ang pagpunta sa Concepcion noong isang araw. Dumalaw lang sa co-teacher na namatayan. Pag-uwi, dumaan na din sa burol niya. Kinabukasan na din kasi ang libing niya.



.....paalam Tyron.....

Wednesday, 4 January 2012

Isang Taon

Di naman talaga kita kaibigan dati, kakilala lang. Dahil ang mga kaibigan mo dati ay mga kasamahan mo sa First Year, noong marami ka pang pera. Ang saya niyo nga noon kasi lagi kayong kumakain sa labas. Kami sa Fourth Year ay nagmamasid lang.

Nagbago ang ikot ng tadhana at nawala unti-unti ang pera mo, nawala din unti-unti ang mga dati mong kaibigan.  Mula sa ibaba, napunta ka sa amin sa itaas. At nabuo ang samahan nating mga fourth year faculty.

Mahilig ka sa masasarap na pagkain. Kaya kapag may baon ka para tanghalian mo, recess pa lang ay kinakain na namin. Ganyan ka namin kamahal. Bawal kasi sayo kinakain mo pa. Matigas ang ulo mo.

Kapag may magandang palabas, tatakas na tayo para manood ng sine kahit na kulang ang pera ng isa. Dahil nandyan naman ang isa.

Kapag napasubo ka ng tulog o late ka na sa mga paperworks ay nandyan naman ang mga katropa na sumasalo sayo. Naiintindihan ka namin dahil may matindi ka nang karamdaman.

Kapag sinisumpong ka ay nandyan ang dalawang nating kasama, agad na nakaalalay sayo, mula school hanggang hospital. Ayoko nakikita kang nahihirapan kaya tumatalilis ako at umiiwas sa mga ganyang pagkakataon.

Mas naging close tayo dahil pareho tayong lalaki. Nagkakaintindihan sa maraming bagay: celphone scandals, yosi, kalaban sa take all, utangan/utakan, ka-berdehan, atbp. Pero kahit ganun, madalas mo din akong awayin at pahiyain. Minsan nga buti nakapagpigil ako. Muntik na kitang patulan.Ang laki sanang kahihiyan yon dahil sa harap ng mga co-teachers pa natin, alas dos ng madaling-araw! Nagwalk out lang ako at iniwan kita...

Kapag ang mga ball pen ko unti-unting nawawala, alam ko na kung saan napupunta, sa bulsa o sa drawer mo. Pero kung ikaw ang nawalan ng ball pen dahil dinampot ng student mo o nakalimutan mo sa kung saan, diretso ka sa akin na nambibintang. Sana ako na lang ang kumuha ng ball pen mo para kapag kinuha mo ang ball pen ko, at least di na ako bibili hehehe.

Kinupkop mo ako noong lumayas ako sa amin. At mas madalas pa tayong magkasalo sa pagkain kaysa sa misis mo. Namamalengke tayo, sabay kung pumasok at umuwi gamit ang motor mo. Pakiramdam ko kabit mo ako noong mga panahong yon hahaha.

Minsan naligaw tayo sa pupuntahan nating lamayan sa patay, nakaangkas ako sa motor mo, at idinaan mo sa  malawak na taniman ng tubo sa hacienda:

                   ako:        o, anong nagyari?
                   ikaw:      dito tayo dadaan sa shortcut.
                   ako:        oy ha! wag mong ituloy ang binabalak mo. malaking kasalanan yan sa batas.
                   ikaw:      murit ka talaga!

Hanggang sa dumating ang araw ng pagsumpong mo sa loob ng aking classroom. Tayo lang dalawa. Galing tayo sa practice dahil may choir competition. Nagkagulo na ang school dahil tinawagan ko mga kasamahan natin. Di ko na alam ang nangyari pagkatapos dahil ako ay umalis at tumalilis na.

Ang prize ay ibinigay namin lahat sayo. Nanalo tayo. First Prize! O ha?! Wala ka pa noon! Kung nandoon ka pa aba e no contest na!

Kahit nasa hospital ka, alam ko nami-miss mo kami, ang samahan natin sa school, mga kaganapan sa classroom ko, mga students natin. Katunayan ay tawag ka ng tawag sa amin, na kahit nandoon ang asawa mo ay kami pa din ang hinahanap mo.

Ganun ang pagkakaibigan natin:


Di natatapos kahit na madalas magkakontra tayong parang maliliit na bata...


Di natatapos kahit na tapos na naman ang school year at madalang uli magkita...


Di natatapos kapag tapos na ang palabas sa sine...


Di natatapos kapag ubos na ang masasarap na pagkain...


Di natatapos kapag ubos na ang tinta ng ball pen...




Di natatapos kahit na iniwan mo na kami, isang taon na ang nakakaraan...