Di naman talaga kita kaibigan dati, kakilala lang. Dahil ang mga kaibigan mo dati ay mga kasamahan mo sa First Year, noong marami ka pang pera. Ang saya niyo nga noon kasi lagi kayong kumakain sa labas. Kami sa Fourth Year ay nagmamasid lang.
Nagbago ang ikot ng tadhana at nawala unti-unti ang pera mo, nawala din unti-unti ang mga dati mong kaibigan. Mula sa ibaba, napunta ka sa amin sa itaas. At nabuo ang samahan nating mga fourth year faculty.
Mahilig ka sa masasarap na pagkain. Kaya kapag may baon ka para tanghalian mo, recess pa lang ay kinakain na namin. Ganyan ka namin kamahal. Bawal kasi sayo kinakain mo pa. Matigas ang ulo mo.
Kapag may magandang palabas, tatakas na tayo para manood ng sine kahit na kulang ang pera ng isa. Dahil nandyan naman ang isa.
Kapag napasubo ka ng tulog o late ka na sa mga paperworks ay nandyan naman ang mga katropa na sumasalo sayo. Naiintindihan ka namin dahil may matindi ka nang karamdaman.
Kapag sinisumpong ka ay nandyan ang dalawang nating kasama, agad na nakaalalay sayo, mula school hanggang hospital. Ayoko nakikita kang nahihirapan kaya tumatalilis ako at umiiwas sa mga ganyang pagkakataon.
Mas naging close tayo dahil pareho tayong lalaki. Nagkakaintindihan sa maraming bagay: celphone scandals, yosi, kalaban sa take all, utangan/utakan, ka-berdehan, atbp. Pero kahit ganun, madalas mo din akong awayin at pahiyain. Minsan nga buti nakapagpigil ako. Muntik na kitang patulan.Ang laki sanang kahihiyan yon dahil sa harap ng mga co-teachers pa natin, alas dos ng madaling-araw! Nagwalk out lang ako at iniwan kita...
Kapag ang mga ball pen ko unti-unting nawawala, alam ko na kung saan napupunta, sa bulsa o sa drawer mo. Pero kung ikaw ang nawalan ng ball pen dahil dinampot ng student mo o nakalimutan mo sa kung saan, diretso ka sa akin na nambibintang. Sana ako na lang ang kumuha ng ball pen mo para kapag kinuha mo ang ball pen ko, at least di na ako bibili hehehe.
Kinupkop mo ako noong lumayas ako sa amin. At mas madalas pa tayong magkasalo sa pagkain kaysa sa misis mo. Namamalengke tayo, sabay kung pumasok at umuwi gamit ang motor mo. Pakiramdam ko kabit mo ako noong mga panahong yon hahaha.
Minsan naligaw tayo sa pupuntahan nating lamayan sa patay, nakaangkas ako sa motor mo, at idinaan mo sa malawak na taniman ng tubo sa hacienda:
ako: o, anong nagyari?
ikaw: dito tayo dadaan sa shortcut.
ako: oy ha! wag mong ituloy ang binabalak mo. malaking kasalanan yan sa batas.
ikaw: murit ka talaga!
Hanggang sa dumating ang araw ng pagsumpong mo sa loob ng aking classroom. Tayo lang dalawa. Galing tayo sa practice dahil may choir competition. Nagkagulo na ang school dahil tinawagan ko mga kasamahan natin. Di ko na alam ang nangyari pagkatapos dahil ako ay umalis at tumalilis na.
Ang prize ay ibinigay namin lahat sayo. Nanalo tayo. First Prize! O ha?! Wala ka pa noon! Kung nandoon ka pa aba e no contest na!
Kahit nasa hospital ka, alam ko nami-miss mo kami, ang samahan natin sa school, mga kaganapan sa classroom ko, mga students natin. Katunayan ay tawag ka ng tawag sa amin, na kahit nandoon ang asawa mo ay kami pa din ang hinahanap mo.
Ganun ang pagkakaibigan natin:
Di natatapos kahit na madalas magkakontra tayong parang maliliit na bata...
Di natatapos kahit na tapos na naman ang school year at madalang uli magkita...
Di natatapos kapag tapos na ang palabas sa sine...
Di natatapos kapag ubos na ang masasarap na pagkain...
Di natatapos kapag ubos na ang tinta ng ball pen...
Di natatapos kahit na iniwan mo na kami, isang taon na ang nakakaraan...